Una sa Balita

4 pulis-Masbate sugatan sa IED

By
0 2,209

Sugatan ang apat na pulis makaraang masabugan ng improvised explosive device (IED) habang pabalik ng kampo kahapon ng umaga sa bayan ng Baleno, Masbate.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ni Chief Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, sa kasalukuyan ay patuloy na ginagamot sa Masbate Provincial Hospital ang mga biktimang pulis na sa­dyang hindi muna ibinunyag ang pangalan na pawang nakatalaga sa RSOTG-Masbate dahil hindi pa naiimpormahan ang mga pamilya ng mga ito.

Sa ulat ng ipinadala ng Masbate Police Provincial Office (PPO) sa Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang pagsabog dakong alas-9:50 ng umaga kahapon habang nag­lalakad ang tropa ng kapulisan sa kahabaan ng Barangay Cajunday ng nabatid na bayan.

Napag-alaman na nagse-serve ng search warrant ang mga biktima kasama ang mga pulis ng Baleno Municpal Police Station (MPS) at pabalik na sana sa Camp Boni Serrano sa Masbate City nang maganap ang pagsabog.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung anong grupo ang responsable sa nasabing pagpapasabog.