Una sa Balita

4 pang Pinoy abante sa KO stage

By
0 4

Nakisalo ang apat na iba pang Pinoy bets sa hindi pa natatalong sina Carlo Biado, Jeffrey Ignacio at Jeffrey de Luna sa knockout stage ng 2017 World 9-Ball Men’s Championship matapos itumba ang mga kalaban sa losers bracket ng 2017 World 9-Ball Championship Lunes ng gabi sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.

Tinalo ni Francisco Felicilda si Iranian Takhti Zarekami, 9-1, diniskaril ni Israel Rota si German Andre Lackner, 9-4, ibinaon ni Warren Kiamco si Singaporean Teek Goh Chu at tinumba ni Roland Garcia si Lebanese Mohammad Berjawi sa parehas na iskor na 9-6 para makatuntong sa hu­ling silya sa Round of 64.

Napatalsik naman ang ikawalong miyembro ng delegasyon ng Pilipinas na si Johann Chua matapos na malasap ang 3-9 kabiguan kay Burmese Maung Maung na ikalawa niyang semplang sa double elimination format group stage.

Una nang tumapak sina Biado, Ignacio at De Luna sa KO stage matapos itala ang ikalawang sunod na panalo sa kani-kanilang grupo noong Linggo.

Hangad ng kasaluku­yang World Games gold medalist na si Biado na makasulong sa Last-32 sa pagsagupa kay Swedish Daniel Tangudd habang si world No. 9 De Luna ay tangkang sungkitin ang silya kontra Russian Maksim Dudanets.

Ipagpapatuloy ng beteranong si Kiamco ang misyon kontra Chinese Kong Deijing gayundin si Ignacio na tutumbok kontra Lo Ho Sum ng Hong Kong.