Una sa Balita

4 na tulak nahulihan ng P.8M shabu

By
0 81

Nasa higit P.8 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa apat na umano’y mga talamak na tulak sa isina­gawang operasyon sa Caloocan City kamakalawa nang gabi.

Sa ulat ni NPD Dir. Chief Supt. Gregorio Lim, ganap na alas-11:00 nang gabi nang madakip ang mga suspek na sina Ronilo Saplad, 54-anyos; Ferdinand Andrada, 52; Gerardo Del Mundo, 51, at Ilona Gail Cristobal, 42, na pawang mga residente ng Brgy. 37 ng nasabing lungsod.

Isang buy-bust ope­ration ang ikinasa ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit sa isang bahay sa Macabalo St., Brgy. 37 ng nasabing lungsod laban sa tatlo at nang magkaabutan na ng isang pakete ng shabu at P1,000 na halaga ng marked money ay dito na dinakma ang mga suspek.

Bukod sa isang gramo ng shabu na nakuha sa buy-bust ay nasa 80 gramo ng shabu, 10 plastic sachets na nasa 39 gramo at 10 pakete na nasa tatlong gramo pa ang nakuha sa kanila na may kabuuang 119 gramo.

Mabilis ring binitbit sa himpilan ng pulisya ang mga suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Cherk Balagtas)