Una sa Balita

4 na pulis-Maynila timbog sa hulidap

By
0 1,008

Arestado ang apat na pulis mula sa Manila Police District (MPD) matapos kotongan umano ng halagang P50,000 ang isang Egyptian national na kanilang hinuli sa kasong iligal na droga sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation Task Force (CITF) at National Bureau of Investigation (NBI) kamakalawa ng gabi sa Quirino Avenue ng nabatid na lungsod.

Kinilala ang mga dinakip na pulis na sina SPO3 Ranny Litonjoa Dionisio; PO3 Richard Osorio Bernal; PO1 Elequiel Jeric Fernandez; at PO1 Arjay Lastricia Lacap, pawang nakatalaga sa Intelligence Section ng Police Station 9 ng MPD, habang ina­alam pa ng awtoridad ang pangalan ng iba pang sangkot na mga pulis.

Ang entrapment ope­ration ay isinagawa ng pulisya base na rin sa reklamo ng isang Egyptian national na sadyang­ hindi muna ibinunyag ang pangalan na hinuli umano ng mga may 10 miyembro ng pulisya at para hindi na makasuhan ay hinihingian ito ng mga pulis ng hala­gang P200,000.

Bumaba naman ang usapan sa P50,000 at nag-isyu muna ang biktima ng tsekeng may kaparehong halaga at nagkasundo sila na papalitan ito ng cash kamakalawa ng gabi.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nakipag-ugnayan na ang biktima sa NBI at CITF dahilan upang ikasa ang entrapment operation.

Dakong alas-6:15 ng gabi nang magkita ang apat na pulis at biktima sa loob ng isang convenience store sa kahabaan ng Quirino Ave­nue kanto ng Mabini Street sa Maynila upang doon na ibigay ng una ang halagang P50,000.

Matapos na maiabot ng biktima ang pera sa apat na pulis ay agad silang dinakip ng awtoridad.

Sa ngayon ay ina­alam pa ng awtoridad ang iba pang pulis na sangkot sa nasabing pangongotong sa Egyptian national habang sinibak na sa tungkulin at nakatakdang sampahan ng kaukulang kasong kriminal at administratibo ang mga nadakip na pulis.