Una sa Balita

4 lalaki na dinukot sa

By , , ,
0 965

Masusing pinag-aaralan ngayon ng mga tauhan ng Muntinlupa City Police ang closed circuit television (CCTV) footage na posibleng magbigay-linaw sa naganap na pagdukot sa apat na kalalakihan kabilang ang isang 16-anyos na binatilyo na hinihinalang sangkot umano sa iba’t ibang krimen hanggang sa natagpuan ang bangkay ng tatlo sa Pampanga, Nueva Ecija at Panga­sinan kamakailan.

Ayon kay Chief Inspector Gideon Inis Jr., hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SDMB), Muntinlupa City Police, kasaluku­yang nakaburol sa kani-kanilang mga bahay ang mga bangkay ng biktimang sina Albert Abalos, Jayson Santos at Joshua Anzores, kapwa nasa hustong gulang at naninirahan sa nasabing lungsod.

Samantala, ang 16-anyos na si Chistian Rubiano ay patuloy pa rin pinaghahanap ng mga kaanak nito, at umaasang buhay pa ito.

Base sa kuha ng CCTV footage, na noong Abril 23 ng taong kasalukuyan ay dinukot umano ang mga biktima sa Barangay Bayanan, Muntinlupa City ng armadong kala­lakihan sakay ng isang kulay puting L-300 FB na may plakang NUV-617 patungong ruta ng NHA housing at Cavite.

Pagkaraan ng ilang araw ay natagpuan ang bangkay ni Abalos sa San Jose City, Nueva Ecija; si Santos naman ay sa Apalit, Pampanga at si Anzores ay sa Lingayen, Pangasinan, na halos hindi makilala ang mukha ng mga ito, na nakabalot ng pac­kaging tape, nakatali ang mga kamay at paa at may nakalagay ang mga placards na nakasulat ang ‘carnapper/drug pusher-wag tularan’.

Sa isinagawang background check ng mga pulis, nabatid na sina Santos, Anzores at Abalos may mga kasong carnaping at droga.

Samantalang ang menor-de-edad na sina Rubiano ay may mga impormasyon na isa umano itong drug runner.

Sabi ni Chief Inspector Inis, nang berepikahin nila ang plaka ng L300 FB ng sasakyang ginamit sa pagdukot sa mga biktima, napag-ala­man na plaka ito mula sa isang trailer truck.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na aniya nila ang kuha ng CCTV footage na posibleng magbigay-linaw sa kaso at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga tauhan ng Muntinlupa City Police sa mga tauhan ng PNP-Pampanga at Pa­ngasinan hinggil sa nasabing insidente.

Hiling naman ng pamilya ng biktima, na makamit nila ang hustisya sa naganap na karumaldumal na pagpatay sa mga biktima.

Napag-alaman pa rin, na lumapit sa isang TV network (ABS-CBN) ang mga kaanak ni Rubiano para humingi ng tulong, dahil ilang linggo na itong nawawala, na naging dahilan upang madiskubre ang naturang krimen.