Una sa Balita

4 kotong cop sinelda

0 353

INARESTO ng kanilang mga kabaro ang apat na tauhan ng Manila Police District dahil sa pangongotong diumano ng halagang P200,000 sa isang misis upang mapalaya ang asawa nitong nahuli naman dahil sa iligal na droga.

Mismong sa loob ng Baseco Police Community Precinct inaresto ang mga suspek na nakilalang sina PCpl. Nickson Mina; PCpl. Juan Carlo Guzman; PCpl. Fransis Mikko Gagarin; at Pat. Tom Hikilan.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) at National Capital Region Police Office (NCRPO), dinakip ang mga nasabing pulis matapos na tanggapin ang halagang marked money sa isang ginang na nakilalang si Alaysa Panansang matapos ang isinagawang entrapment operation dakong alas-6:30 Miyerkoles ng gabi.

Nag-ugat ang entrapment operation matapos magtungo sa tanggapan ng PNP-IMEG sa Camp Crame si Panansang upang iulat ang ginagawang pangongotong sa kanya ng mga suspek ng halagang P500,000 kapalit ng kalayaan ng mister na naaresto noong Nobyembre 12.

Matapos na makipagnegosasyon ang ginang sa mga suspek ay bumaba sa P200,000 ang hinihingi ng mga ito at nagkasundo na dadalhin ito ng una sa istasyon ng pulisya kamakalawa ng gabi.

Nakakulong ang mga suspek sa Camp Crame habang inihahanda ang kasong administratibo at krimi­nal laban sa mga ito. (Edwin Balasa/Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy