Una sa Balita

4 Indian national ninakawan na, hinostage pa

By
0 1,673

Ligtas na at nabawi ang nakuhang pera at gamit ng apat na Indian national matapos pasukin at i-hostage ng dalawang suspek kamakalawa ng umaga sa Angono, Rizal.

Sa report na nakuha mula sa tanggapan ni Sr. Supt. Albert Erasquin Ocon, acting provincial director ng Rizal police, nakilala ang nahu­ling mga suspek na sina Mark Abanio y Esma, 26-anyos, at JB Tuscano y Orenaden, 20-anyos, kapwa residente ng Lot 55 Karangalan, Cainta, Rizal.

Naganap ang insidente bandang alas-6:15 kamakalawa ng umaga sa loob ng bahay ng mga Bumbay na biktima na sina Sukhchain Singh Sandhu, Sukhwant Singh, Ramandeep Kaur Sandhu, at Gagandeep Singh Sandhu, sa Rainbow Avenue, Rainbow Subd., sakop ng Brgy. San Isidro, Angono, Rizal.

Batay sa report, nagtungo sa Angono Municipal Police Station (MPS) ang dalawang kaibigang Bumbay ng mga biktima at ini-report ang nagaganap na pangho-hostage sa kanila ng mga suspek.

Pinasok umano at pinagnakawan ang mga biktima at nang makatunog na may paparating na pulis ay ginawang hostage ang mga Bumbay at sinabing papatayin nila ang mga ito kapag nagtangkang pumasok ang mga pulis.

Inutusan ng isang suspek ang biktima na wasakin ang bubungan upang doon sila tatakas subalit bago pa man makapuslit ay nakita na sila ng mga pulis.

Dito na nagsimula ang palitan ng putok ng baril hanggang sa makorner ang mga suspek. Nakumpiska sa mga ito ang dalawang baril at isang granada.

Nabatid na sangkot sa patong-patong na kasong robbery hold-up sa Cainta, Taytay, Binangonan at Antipolo ang mga suspek na nambibiktima ng mga Bumbay.