Una sa Balita

4 dinampot sa tong-its at cara y cruz

By
0 16

Kulong ang apat na kalalakihan matapos mahu­ling nagsusugal sa isinagawang operasyon ng Eastern Police District (EPD) Police kamakalawa sa Pasig City at Marikina City.

Ayon kay EPD Director Chief Supt. Romulo Sapitula, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Pasig PNP at Marikina PNP kung saan ay nakaaresto ng apat na kalalakihan na lumabag sa ordinansang illegal gambling o PD 1602.

Nakilala ang mga naaresto na sina Jesus Hababag, Renato Pangyarihan at Rogelio Ariola, pawang residente ng Barangay Nangka, Marikina City at Jefferson Cabolio, residente ng Ismar Compound, Brgy. Kalawaan, Pasig City.

Sa report, nakatanggap ng tawag ang Marikina Nangka station na may nagaganap na sugalan sa Balubad St., bandang alas-sais kamakalawa ng gabi.

Agad na rumesponde ang pulisya at naaresto sina Hababag, Pangyarihan at Ariola habang naglalaro ng ‘tong-its’. Nakumpiska sa mga suspek ang isang set ng baraha at tayang barya na nagkakahalagang P100.

Samantala, hindi na nakatakas pa si Cabolio matapos mahuling naglalaro ng cara y cruz sa kanto ng Ismar Compound.

Ayon sa pulisya, matagal na umanong inirereklamo sa barangay ang paglalaro ng cara y cruz sa kanto dahil sa pag-iingay ng mga ito kaya ini-report.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa detention cell habang inihahanda ang kasong paglabag sa PD 1602.