Una sa Balita

4 dayuhang barko huli sa illegal quarrying

By
0 2

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang apat na dayuhang sasakyang pandagat na ilegal na pumapasok sa karagatan sakop ng lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon, ang nasabing mga sasakyang pandagat ay sangkot sa illegal quarrying ng magnetic black sand sa kahabaan ng Cagayan River kung saan malaking buwis ang hindi binabayaran ng may-ari nito.

Nabatid na nagpalabas ng mission order si Faeldon para alamin ang sumbong na may mga dayuhang sasakyang pandagat ang nakikitang dumadaan sa probinsya ng Aparri, Cagayan kung saan nang makumpirma ay agad na nagsagawa ng operasyon.

Abril 8 nang isagawa ang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa tulong ng mga barangay officials hanggang sa masa­bat ang MV Nova 1 sa Parradun Sur Quarry Site sa Aparri.

Habang­ ang tatlo pang barko na MV Vela 1, MV Vela 3 at Monte Cristo II, ay namataan sa Hua Xia/Pine Sand compound sa Barangay Tallungan sa nasabi ring lugar.

Sa pagtataya ng BOC, nagkakahalaga ang apat na barko ng P200 mil­yon.