Una sa Balita

4 bumulagta sa drug raid sa Nueva Ecija

By
0 1,051

APAT na hinihinalang drug pusher ang mga naidagdag sa humahabang listahan ng mga bumulagta sa walang tigil na anti-drug buy-bust operation sa ­Nueva Ecija sa nakaraang weekend.

Batay sa mga ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Eliseo Tanding, NE police provincial director, kinilala ang mga suspek na sina Louie Bartolome at Michael Ramos, na ­kapwa residente ng Brgy. Matadero, Cabanatuan City; 

Ricarte Duque Patricio, 50-anyos, residente ng Brgy. Ganduz, Pantabangan at si ­Roberto Aquino ng Santa Rosa, pawang sa Nueva Ecija.

Ayon kay P/Supt. Joe Neil Rojo ng Tala­vera police, dakong alas-11:25 ng gabi noong Sabado nang isagawa ang buy-bust kontra kina Bartolome at Ramos sa may bypass road sakop ng Brgy. La Torre, Talavera.

Nakatunog ang dalawa na pulis ang katransaksyon at bumunot ng mga baril subalit sila ay naunahan ng mga ala­gad ng batas.

Bukod sa 2 caliber .38 ay nakakuha ang mga pulis ng kulang 10 sachet ng shabu at sinasakyang tricycle ng mga ito.
Sa Sitio Guevarra, Brgy. West Poblacion, Pantabangan naman isinagawa nina P/Sr. Ins­pector Melchor Pereja at P/Chief Inspector Eisbon Llamasares ang operasyon kontra kay Patricio.

Nakunan din ang napatay na drug pusher ng isang caliber .38 na may 4 na basyong bala at 4 na sachet ng shabu.

Dakong alas-2:30 ng madaling-araw noong Linggo napatay si Aquino sa engkuwentrong nangyari sa Brgy. Cruz, Bongabon.

Nanguna si P/Chief Inspector George Calauad sa buy-bust sa Brgy. Santor, Bongabon at noong matunugan ni Aquino na pulis ang poseur buyer ay papatakbo itong nagpaputok hanggang sa mapatay ito ng mga pulis.