Una sa Balita

4 bulagta sa police encounter sa QC

By
0 4

Bulagta ang apat na kalalakihan na umano’y mga sangkot din sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos na makipagbarilan ang mga ito sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng madaling-araw.

Sa report kay QCPD Director Chief/Supt. Guillermo Lorenzo Elea­zar, ni P/Supt. Roberto Sales, hepe ng QCPD Laloma Police Station 1, nangyari ang engkwentro dakong alas-3:50 ng madaling-araw sa kahabaan ng Eleven Road, Brgy. Balingasa, Quezon City.

Hindi pa kilala ang mga nasawing suspek. Bago mangyari ang engkwentro ayon kay Supt. Sales, nakatanggap ng text message si SPO1 Crisanto Pungtod, ang duty officer ng Station Tactical Operation Center (STOC) ng QCPD La Loma Police Stn. 1, mula sa isang concerned citizen kaugnay umano sa apat na mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng Joy Street, Brgy. Balingasa, Quezon City.

Dahil dito kung kaya’t agad ipinag-utos ni Supt. Sales ang pagbuo ng team sa kanyang mga tauhan at agad rumesponde sa nabanggit na lugar para kumpermahin ang nasabing impormasyon.

Subalit pagdating umano sa nasabing lugar partikular sa Harmony St., kanto ng Eleven Road ay agad nilang nakita ang apat na mga kahina-hinala at armadong kalalakihan kung kaya’t agad nagpakilala ang mga awtoridad at mahinahong pinasusuko ang mga suspek subalit sa halip na sumunod ay agad umanong nagpaputok ang mga ito na naging dahilan para gumanti ang mga operatiba na naging sanhi ng kamatayan ng apat na mga suspek.

Sinabi rin ni Sales na bago mangyari ang engkwentro ay may mga reports din umano silang natanggap na ang mga suspek ay nagbebenta ng ilegal na droga sa lugar.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) upang matukoy ang pagkakaki­lanlan ng mga nasawing suspek.