4 bihag ng Maute nakatakas, nasagip ng Navy

By

Natakasan umano ng apat na bihag na Maute terror group sa Marawi City ang kanilang mga bantay at nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Navy kahapon.

Ayon sa mga bihag, sinamantala nila na na­tutulog ang mga bandido para makatakas saka lumangoy sa Lanao Lake ng tinatayang isang kilometro bago sila namataan ng mga nagpapatrolyang sundalo.

Mahigit dalawang buwan na bihag sa loob ng Bato Mosque ang apat na nagsilbi umanong mga tagaluto para sa bandidong grupo at iba pang hostage.

“’Yung ibang Maute maganda trato sa amin, pero karamihan ginawa kaming hayop,” ayon sa isa sa mga bihag.

Sinabi rin ng apat na nananatiling buhay si Fr. Chito Suganob na inatasang manguha ng mga pulbura mula sa mga paputok para magamit sa paggawa ng mga improvised explosive device.

“’Yung picollo, pinatanggalan sa kanya ng pulbura. Sabi niya, ‘masaya na ako kapag tumama ang bomba sa Masjid (mosque),” kwento pa ng isa.

Tinatayang limampung indibidwal, kabilang ang dalawampung babae, ang nananatiling hostage ng Maute group.

Inihayag ng mga nakaligtas, na ginagahasa umano ng mga terorista ang ilang babae na bihag at posibleng nabuntis na ang iba sa mga ito.

Aabot anila sa 20 mi­yembro ng Maute ang nagtatago sa mosque at ang iba umano sa kanila ay nagpapagamot ng mga sugat.

“May mga putol ang paa, putol ang kamay, may tama ng sniper,” ayon sa isang dating bihag.


Sinabi pa ng apat na dalawang beses nilang nakita si Omar Maute pero wala si Abu Say­yaf leader Isnilon Hapilon.

Marami rin umanong imbak na pagkain ang Maute na karamihan ay bigas, sardinas at tuna ngunit hindi nila batid kung saan nagmumula ang suplay.. 

SHARE