Una sa Balita

3×3 grassroots program, magbunga sana ng maganda

By
0 1,348

Matatawag na great plan ang pahayag ni SBP president Al Panlilio na target ng Pilipinas ang 3×3 Olympics sa 2020 o 2024.

Nagkaroon ng ideya si Panlilio matapos na i-host natin ang Fiba 3×3 World Cup na natapat sa maulang panahon dahil sa habagat na dala ni bagyong Domeng. Kaya ewan ko lang kung maraming tao ang nanood.

Naakit daw si Panlilio sa resulta ng hos­ting ng Pilipinas sa nakapakalaking event na ginanap sa Philippine Arena sa Bulacan.

Ayon sa SBP president gagawa daw ng plano ang ahensiya para lamang sa 3×3 bukod pa sa ongoing Gilas Pilipinas program.

Kung hindi raw madale ang 2020 Tokyo Olympics baka sakali sa 2024.

Nakaka-encourage raw na planuhin ang mga bagay na ito dahil sa ipinakitang performance nina Christian Standhardinger, Stanley Pringle, Troy Rosario at RR Pogoy sa katatapos na World Cup.

Kasama na rin ang strong showing ng PHL ladies lalo na ni Janine Pontejos na napasama sa Top 10 scorer.

Parang nababawan ako sa sinabing ito ni Panlilio. Sana man lang kung nalampasan ng Team PHL ang knockout round.

Kaso nga hindi.

Sinabi ni Panlilio na gagawa ang SBP ng follow through plan – ang paglalagay ng grassroots program at elite team na ipanlalaban sa international competition.

Yung grassroots program kahit hindi maglagay ang SBP ay matagal nang panahong ginagawa ito sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Dito nga lang sa Metro Manila kahit saang barangay ka sumilip makakakita ka ng court na nasa gitna ng daan. Mga fiber glass pa nga ang board.

Pero may nakita bang pontensiyal na talent? Wala, at kung meron man hindi sa kalye nanggaling kundi sa mga kolehiyo o unibersidad.
Pumunta ka sa mga malalaking liga tulad ng PBA, aba eh puro Fil-foreign na halos ang apelyido ng mga pla­yer.

Gayunpaman, sana hindi ningas kugon ang mga sinabing ito ni Panlilio at magbunga ng maganda.

Libong beses na kasing narinig ng sambayanang Pilipino ang grassroots program pero mabibilang mo sa daliri ang natuloy dahil ang karamihan puro sa salita lamang.