Una sa Balita

39 hotel yari sa pagsalaula sa Manila Bay

By ,
0 736

NGAYON pa lamang ay nagbanta na si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na maraming establisimyento sa paligid ng Manila Bay ang ipasasara dahil sa kawalan ng tamang waste disposal.

Ang banta ay ginawa ni Cimatu matapos ang inisyal na inspeksyon na isinagawa kahapon sa may 200 establisimyento at 39 hotel sa paligid ng Manila Bay.

Sinabi ni Cimatu na ang resulta ng kanilang inisyal na inspeksyon sa mga hotel ay lumalabas na marami ang walang maayos na sewage treatment plants. Marami ding mga paglabag sa environmental laws ang nakita sa mga ospital, factory at residential na nasa paligid ng Manila Bay.

Ininspeksyon din ang Estero de San Antonio Abad, ang daanan ng tubig na konektado sa Manila Bay mula sa Manila Yacht Club at ayon sa kalihim, nakalulungkot ang kanilang nadiskubre na ang mga establisimyento ay sa estero direktang nagtatapon ng kanilang waste water.

“I’m very much disappointed because this validates reports that these establishments throw their waste water here. We have to correct it,” pahayag ni Cimatu.

Giit ng kalihim na bago ang paglilinis sa Manila Bay ay dapat unahin na ayusin ang mga daanan ng tubig.

Ininpeksyon din ng DENR ang Manila Zoo kung saan lumabas na wala itong sewage treatment plant gayong 1997 pa nang atasan sila na gawin ito.

Sa Enero 27 ngayong taon ay target ng DENR na simulan ang rehabilitasyon ng Manila Bay kung saan ay gugugol ang gobyerno ng 47 bilyong piso.

Ang gagawin sa Manila Bay ay ihahalintulad sa naging proseso sa Boracay.

Matatandaan na una nang tinawag na ‘magnified cesspool’ ni Cimatu ang 2,000 square kilometer na Manila Bay dahil sa nagtataglay ito ng high coliform level na 330 million na may ‘most probable number (MPN) per 200 milliliter’ kumpara sa safe level na 100 MPN/100ml.

Nauna dito, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DENR ang rehabilitasyon sa Manila Bay upang maibalik ang dating linis at ganda nito.

Magugunitang nagbabala si Pangulong Duterte sa nga establisimyento malapit sa Manila Bay na panatilihin ang kanilang se­wage at wastewater treatment facilities kung nais nitong ipagpatuloy ang kanilang operas­yon bunsod na rin ng matinding polusyon na nararanasan sa Manila Bay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy