Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

38 Kadamay member multa ng P200 sa trespassing

0 51

Hinatulan ng Quezon City Metropolitan Trial Court (MTC) ng guilty sa kasong trespassing ang 38 mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) matapos na iligal umanong pumasok at inokupa ang bakanteng lote sa loob ng mahigit na apat na taon sa Barangay Tandang Sora sa lungsod.

Ayon kay QCMTC Branch 43 Judge Don Ace Mariano Alagar, nauunawaan ng hukuman ang mga akusado na itinulak lamang ng pagkakataon at sirkumstansiya kaya sa halip na pagkakakulong ay minimal na P200 multa kada isa na lamang ang ipinataw ng korte.

Sa ilalim ng RA 10951, itinaas na sa P40,000 ang penalty sa kasong trespassing noong July 2017, tatlong buwan bago iligal na pumasok ang mga akusado kayat ang dating multa ang ini-aplay ng korte.

Matatandaang noong Abril 2, 2017 nang okupahan ng mga miyembro ng Kadamay ang lupa na dating kinatitirikan ng kanilang bahay kung saan sila na-demolished at pinaalis noong July 2016.

Partikular na inokupa ng mga ito ang aabot sa 2,000 metro kuwadradong lupain sa Apollo Street sa Tandang Sora.

Pero ayon sa Apollo Neighborhood Association, humingi umano ng pahintulot ang mga miyembro ng militanteng urban poor group sa mga nagbabantay sa lugar na papasukin sila sa lupain.

Ayon sa asosasyon, binaklas ng mga nasabing militante ang mga yero na nagsisilbing bakod ng lupain at ginamit ang mga ito sa pagpapatayo ng barung-barong sa lugar.

Ang naturang lupain ay naiulat na pag-aari umano ng mga nakilalang Reynaldo Guiyab at Jose Gonzales ngunit hawak na umano ito ng gobyerno dahil sa pagkakatalo ng mga nabanggit sa isang kaso sa hukuman. (Dolly Cabreza)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.