Una sa Balita

370K Pinoy sa HK ligtas — DFA

0 362

INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas at hindi gaanong apektado ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa mga nagaganap na kilos protesta sa Hong Kong kung kaya’t hindi na kailangang ilikas ang mga ito.

“The DFA wishes to assure everyone that (contrary to some false reports circulating in social media) Filipinos in Hong Kong remain safe and are largely unaffected by the ongoing protests in the area,” pahayag ng DFA.

Sinabi pa ng kagawaran na patuloy na mino-monitor ng Philippine Consulate General sa Hong Kong ang mga kaganapan sa special administrative region ng China at tiniyak na ginagawa nito ang mga kaukulang hakbang para sa kaligtasan at kabutihan ng mga OFW.

Sinabi pa ng DFA na para sa mga nais malaman ang mga kaganapan sa Hong Kong partikular hinggil sa ating mga kababayan doon ay maaaring alamin ito sa website ng Philippine Consulate General para na rin mabatid ang mga update at abiso nito.

Pinayuhan pa ng DFA ang publiko na iwasang kumuha ng impormasyon mula sa social media. Mariing pinabulaanan din ng Philippine Consulate General ang kumakalat na balita sa social media na nagdeklara umano ng Martial Law sa Hong Kong.

Sa panayam ng himpilang DZMM kay Consul Raly Tejada hapon ng Sabado, sinabi nito na walang katotohanan ang ‘balitang’ nagdeklara ng Martial Law sa Hong Kong at pauuwiin na ang mga OFW na tinawag.

Tinawag ni Tejada na fake news ang mga nabanggit na kumakalat sa social media.

Nabatid na may 370,000 Pilipino na karamihan ay mga domestic worker ang naninirahan at nagtatrabaho sa Hong Kong. (Juliet de Loza-­Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy