Una sa Balita

35 todas sa gumuhong tulay sa Italy

By
0 330

Isang 51-taong gulang na highway bridge sa Italian port city ng Genoa ang bumagsak sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Martes, kung saan tinata­yang 26 hanggang 35 katao ang namatay at 15 ang suga­tan nang mahulog ang ilang dosenang sasakyan.

Tinawag ni Ita­lian Premier Guiseppe Conte ang insidente bilang “an immense tragedy…inconcei­vable in a modern system like ours, a modern country.”

Hindi pa malaman kung ano ang naging sanhi ng pagbagsak ng tulay subalit bubuksan na ang im­bestigasyon sa insidenteng ito dahil ayon pa kay Transport Minister Danilo Toninelli, “whoever made a mistake must pay.”

Nataon ang pagbagsak ng tulay sa oras na matrapik dahil marami ang nagbibiyahe patungo sa mga beach at bundok.

Tinatayang 30 kotse­ at tatlong truck ang nahulog sa 80 metrong section ng span at bumagsak sa mga warehouse.

Agad namang sumaklolo ang 300 rescue worker at mga K-9 at apat katao agad ang nailigtas mula sa mga nahulog na sasakyan.

Ang Morandi Bridge, na karugtong ng A10 toll motorway, ay natapos ang paggawa noon pang 1967, at sumailalim pa sa rehabilitasyon noong 2016.

Ayon naman sa natanggap na ulat ng Department of Fo­reign Affairs (DFA) mula sa Consulate General sa Milan, walang nasaktan na Filipino sa nasabing insidente.