Una sa Balita

322 mga OFW sa Kuwait umuwi na

By
0 2,179
Nagsimula nang mag-uwian ang mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa Kuwait matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapauwi sa kanila kasunod ng pagkakatagpo sa bangkay ng isang Pinay domestic helper na isinilid sa freezer at inabandona sa isang apartment sa naturang bansa.
 
Dumating kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang mahigit 300 overseas Filipino workers mula sa Kuwait sakay ng magkakahiwalay na eroplano.
 
Unang dumating ang 220 OFWs lulan ng Phi­lippine Airlines (PAL) flight PR 669 habang ang ikalawang batch na nasa 102 na may kasamang mga bata ay sakay ng Gulf Air flight GF 154.
 
Maliban sa libreng ticket accommodation, pagkain at pansamantalang tutuluyan sa OWWA ng mga dumating na OFW, ay makakatanggap ng tig-P5,000 ang bawat Pinoy workers. May P5,000 rin na ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bawat pamilyang umuwi na kasama ang kanilang mga anak.
 
Karamihan sa mga umuwing OFW ay tapos na ang employment contract habang nag-overstay naman ang iba dahil itinatago sila ng kanilang amo kahit matagal nang tapos ang kontrata. Ang iba pa ay tumakas mula sa malupit nilang mga amo.
 
Nabatid na mahigit sa 2,000 na mga OFW ang nagpahayag na uuwi na sila sa Pilipinas subalit nasa 1,754 lamang ang nabigyan ng immigration clearance.