Una sa Balita

3,000 tabletas, litrong liquid ecstasy naharang 3 bigtime supplier sa mga bar, club sa QC arestado

By
0 194

HINDI bababa sa P7.5M na halaga ng mga party drug ang nasamsam ng pinagsamang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit of Northern Police District (DDEU-NPD) at Quezon City Police District (QCPD) – Station 10 kamakalawa nang gabi mula sa tatlong pinaghihinalaang mga supplier ng droga sa mga kilalang club at bar sa QC.

Kinilala ni NPD ­Acting Director Chief Supt. Gregorio Lim ang mga suspek na sina Warren Calicdan, 45-anyos; Hazel Grace Lanugan, 21-anyos at kinakasama nitong si Rafael Taduran, 21-an­yos. Ganap na alas-9:30 nang gabi nang isinagawa ang buy-bust operation sa kahabaan ng Tomas Morato St., Brgy. Obrero, Lungsod ng Quezon.

Unang naaresto ang suspek na si Calicdan na nahulihan ng mga ecstacy tablet na inabot niya sa nagsilbing poseur buyer kapalit ang P3,000 marked money sa nasabi ring lugar.

Bagama’t huli na sa akto ay itinanggi pa rin ng suspek na sa kanya ang nahuling droga at iginiit na ipinapaabot lang umano ito sa kanya ng mag-live in partner na sina Taduran at Lanugan at sinabing mga grocery item umano ang laman.

Dito na nagplano ng follow-up operation ang mga awtoridad at ikinasa ito ganap na ala-1:57 nang mada­ling-araw.

At sa pakikipagtulungan na rin ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nadakip ang dalawa pang suspek kung saan na-recover sa kanila ang 2,746 tablet ng ecstasy na nakalagay sa 21 self-sealed transparent plastic sachet na tinatayang nasa P685,200 ang street value, bukod pa ang 248 pieces ng ecstasy­ capsule na nasa limang plastic sachet na nasa P20,000 ang halaga, gayundin ang 1,300ml ng liquid ecs­tasy na nasa walong Redbull bottle at isang Lipovitan bottle na may street value na P500,000, at anim na litro ng liquid ecstasy na nakalagay sa container na may halaga namang P1,200,000.

Aminado naman si Lanugan na sila ang nagsu-supply ng mga party drug sa iba’t ibang mga bar at entertainment club sa lungsod. Galing umano sa China ang droga na pinapadala sa kanila ng mga private courier.
Nasa kustodiya na rin ng mga awtoridad ang mga suspek na nahaharap sa kasong Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.