Una sa Balita

300 undocumented Pinoy, umuwi

By ,
0 1

Nasa 300 na undocu­mented at distressed overseas Filipino workers (OFWs) na mula sa bansang Jeddah ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kahapon ng umaga.

Mismong mga opisyal ng Overseas Welfare Workers Administration at Department of Foreign Affairs (OWWA,DFA) ang sumalubong sa 300 OFW sakay ng Philippine Airlines flight PR-663 na lumapag sa NAIA Terminal 1 dakong alas-nuebe ng umaga.

Ilan sa mga dumating ay kinausap ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac at pinangakuan nitong tutulungan sila sa kanilang pagdating sa bansa.

Ayon kay Cacdac, ang mga naturang bilang na mga OFWs ay kabilang pa rin sa mga napagkalooban ng amnestiya ng gobyerno ng Saudi Arabia.

Sinabi ni Cacdac, tuluy-tuloy pa rin ang pag-uwi sa bansa ng mga undocumented Pinoy na nabigyan ng amnestiya at ito ay bahagi ng kabuuan ng 7,000 mga Pinoy workers na nagpasailalim sa amnesty program ng Saudi go­vernment.

Aniya, asahan pa nila ang mga undocumented OFWs na makakauwi sa bansa sa mga susunod na panahon.

Ang mga dumating na mga manggagawa kahapon ay pansamantalang tutuloy sa halfway house ng nasabing ahensiya habang ipino-proseso ang kanilang mga benipisyo na ipagkakaloob ng OWWA at DFA.

Samantala, mu­ling pinaalalahanan ng OWWA ang mga OFWs at kaanak nito na hanggang sa ika-24 na lang ng Hulyo ang binibigay na taning ng Saudi go­vernment para makauwi sa pamamagitan ng kanilang pinagkakaloob na amnestiya.

Sa panayam kay OWWA Department Administrator for Operations Chief Brigido Dulay, nabigyan ng ekstensyon ang OFWs hanggang sa nasabing petsa dahil sa Ramadan.

Huling araw ng Hunyo nang nagtapos na ang pinagkakaloob na amnesty program na nagsimula noong Marso 29, ngunit ito ay pinalawig dahil sa nasabing banal na okasyon.

Dahil dito, umapela na rin si Dulay sa mga OFWs na nakakuha na ng exit visa na agad nang sumama sa mga batches ng mga pinapauwi ng Pilipinas bago magsimula ang full crackdown sa mga dayuhang oversta­ying sa Saudi.

Base sa pinakahu­ling tala ng OWWA, nasa 6,900 OFWs na ang napapauwi, hindi pa kasama ang mga bagong nakauwi kahapon.

Posible aniya na aabot sa 7,000 hanggang 8,000 mga undocs OFWs ang mapapauwi sa pagtatapos ng amnesty program ng Saudi Arabia.