Una sa Balita

300 kilo ng lechon botcha, nasabat sa Tondo

By
0 164

NASAMSAM ng mga tauhan ng Manila Veterinary Inspection Board (MVIB) ang may 300 kilo ng mga double dead na lechon at karne ng baboy mula sa dalawang puwesto ng ambulant vendors kahapon nang madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Binitbit naman ng MVIB, ang nagbebenta ng mga botcha na si Dominador Boza, nasa hustong gulang, habang nakatakas ang kanyang dalawa pang hindi nakilalang kasamahan.

Si Boza ay sasampahan ng kasong paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines at Food Safety Act of the Philippines. Giit na tagabantay lamang umano siya ng nasabing mga paninda.

Dakong alas-tres nang madaling-araw nang salakayin ng mga awtoridad ang pamilihan na matatagpuan sa Claro M. Recto Avenue kanto ng Ylaya Street sa Tondo.

Ibinebenta umano ang isang plastic bag ng lechon sa halagang P180 kada kilo.

Nakasupot na rin naman ang mga double dead na lechon at karne ng baboy nang makum­piska ng mga awtoridad.
Ayon sa mga awtoridad, kuwestiyonable ang kalidad ng mga karne at kahina-hinala kung bakit murang-mura ang benta sa mga ito.

Pinayuhan ng MVIB, ang publiko na huwag nang bilhin ang karne at i-report kaagad sa kanilang tanggapan kung mapupunang maputla ang mga ito, may amoy at malabsa na.

Ang mga lechon naman na maaaring half-cooked lamang ay posibleng may taglay na mga uod.

Sabi ni Dr. Nick Santos Jr., head ng Special Enforcement Squad, na ang pagkain ng mga double dead meat ay delikado dahil maaari itong magdulot ng tuloy-tuloy na diarrhea, food poisoning o ‘di kaya ay kamatayan.

Ibinaon ng MVIB ang mga nakumpiskang karne sa disposal pit upang hindi na mapakinabangan. (Juliet de Loza-Cudia)