Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

3 tumodas sa FEU football player, tumimbuwang

0 51

Patay ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang naganap na sagupaan laban sa pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar at tinatayang nasa 30 rebelde, Martes ng umaga sa Barangay Anas, Masbate City.

Ayon kay Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, ang mga nasawing rebelde na inaalam pa ang pagkakakilanlan ay mula sa grupo ni Arnold Rosero a.k.a Star Command na nag-ooperate sa lalawigan ng Masbate.

Nabatid sa opisyal na ang naganap na engkwentro ay bilang bahagi ng kanilang walang tigil na operasyon upang mapanagot ang mga rebeldeng responsable sa pamamaslang sa Far Eastern University (FEU) football player Keith Absalon at tiyuhin nito na pinasabugan ng landmine at pinagbabaril pa ng nasabing mga terorista nitong Linggo ng umaga habang nagbibisikleta sa Purok 4, Barangay Anas, Masbate City na ikinasugat din ng 16-anyos na binatilyo.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa ulat ng Masbate Police Provincial Office (PPO) sa Camp Crame, naganap ang engkwentro alas-5:30 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang puwersa ng pulisya at millitar sa Barangay Anas at nakatakdang magsilbi ng warrant of arrest sa mga kasong murder at frustrated murder, nang paputukan sila ng tinatayang 30 rebelde.

Gumanti ng putok ang tropa ng pamahalaan dahilan ng pagkasawi ng tatlong suspek. Makalipas ang 15 minutong barilan ay nagkanya-kanya nang takas ang mga ito.

Wala namang nasugatan o nasawi sa panig ng pamahalaan. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.