Una sa Balita

3 tulak na karnaper bulagta sa Antipolo

By
0 416

PATAY ang tatlong miyembro ng notoryus na karnaper, tulak ng iligal na droga at robbery hold-up group matapos makipagpalitan ng putok ang mga ito sa pulisya na magsisilbi sana ng warrant of arrest kahapon nang umaga sa Antipolo City.

Kinilala ni Sr. Supt. Lou Frias Evangelista, Rizal provincial director, ang mga nasawing suspek na sina Darryl Alvarado alyas ‘Batik’, umano’y lider ng grupo; Jhay Ar Despojo alyas ‘Tisoy’, at isang alyas ‘Vincent’.

Ayon kay Evangelista, naganap ang engkwentro dakong alas-6:45 nang umaga matapos ang isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ng Rizal Highway Patrol Group (HPG), Antipolo police at Regional Special Operating Unit (RSOU) sa Purok 3 Zone 6, Brgy. Cupang ng lungsod na ito.

Magsisilbi lang sana ng warrant of arrest ang pulisya laban sa mga suspek dahil sa mga kinasasangkutang kaso subalit agad na nagpaputok ang mga suspek dahilan para gumanti na rin ng putok ang mga pulis.

Nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng dalawang grupo na tumagal ng halos limang minuto bago napatay ang tatlong suspek.

Nakuha ng awtoridad sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 na baril, mga bala, granada at ilang sachet ng shabu.
Tatlong motorsiklo at isang Toyota Revo na pinaniniwalaang mga kinarnap ng mga suspek ang nakuha sa lugar.

Ayon kay Evangelista, ang mga napatay na suspek ay notoryus na tulak ng iligal na droga, karnaper at mga notoryus na holdaper na ang kadalasang gamit sa operasyon ay ang mga sasakyang kanilang kinarnap.