Una sa Balita

3 timbog, P6.8M shabu nasabat sa Maynila

0 252

ARESTADO ang tatlong hinihinalang drug courier ng isang sindikato ng iligal na droga, matapos mahulihan ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation, kahapon nang madaling-araw sa Sta. Ana, Maynila.

Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang mga suspek na nakilalang sina Mark Anthony Alcantara, alyas ‘Maki,’ Rudy Kidlat, at Rona Valenzue-la, na pawang sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dakong ala-1:10 nang madaling-araw nang madakip ang tatlo sa buy-bust operation sa Osmena Highway, Sta. Ana.

Nabatid na lulan ng kotse ang mga suspek nang magbenta sila ng ilegal na droga sa mga undercover cops. Nang maisagawa ang transaksiyon ay kaagad nang inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang limang pakete ng shabu na tumitimbang ng kalahating kilo at siyang ipinagbili sa poseur buyer sa halagang P500,000 o tig-P100,000 ang bawat pakete.

Bukod pa ito sa nakumpiska ng mga awtoridad na limang pakete pa ng shabu na tig-100 gramo rin ang timbang mula sa sasakyan ng mga suspek, o kabuuang isang kilo, na may katumbas na street value na P6.8 milyon.

Nakuha rin sa mga suspek ang 10 bundle ng P1,000 bills na boodle mo-ney na katumbas ng P1 milyon at ginamit bilang buy-bust money, at isang pulang Suzuki car na ginamit ng mga suspek sa transaksiyon.

Inaalam na ng pulisya kung saan kinukuha ng mga suspek ang mga shabu na kanilang ibinabagsak. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy