Una sa Balita

3 sundalo nadale sa ambus

By
0 7

Tatlong sundalo ng 34th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army ang sugatan sa pananambang ng mga hindi pa nakikilalang armadong grupo kamakalawa ng gabi sa Midsayap, North Cotabato.

Nabatid sa report ni 34th IB Commander Ltc. Angelo Lutera, pabalik na sana ang mga sundalo sa kampo bandang alas-11:00 ng gabi noong Linggo, sakay ng civilian vehicle, nang paulanan ng tama ng punglo ng mga armadong lalaki.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang tatlong sundalo na pawang ginagamot ngayon sa Camp Siongco Hospital sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga namaril na hinihinalang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).