Una sa Balita

3 senador natuwa sa ABS-CBN lipat-channel

By
0 7

Kung namomroblema ang may-ari ng higanteng television network ABS-CBN Corporation sa renewal ng kanilang prangkisa, abot-tenga naman ang ngiti ng tatlong senador sa problemang kinakaharap ng kompanya.

May bad experience ang tatlong senador sa nasabing kompanya kung kaya’t hindi sila nakaramdam ng pagkaawa ngayong naghahanap ng malilipatang television network ang ABS-CBN kapag hindi sila nakapag-renew ng prangkisa pagsapit ng 2020.

Ikinuwento ng unang senador na tumangging magpabanggit ng pangalan na noong tumakbo ito sa senatorial elections, isinuka daw ng network ang kanyang campaign ads dahil sa pinaboran ang komersyal ng ibang tumatakbo sa naturang puwesto.

Sa unang sultada ng kampanya, tinatanggap pa raw ng network ang kanyang komersyal subalit pagsapit ng homestretch, doon na tinanggihan ang kanyang komersyal kung kaya’t duda ang senador na baka mas malaki ang ibinayad ng ibang kandidato.

Kuwento pa ng senador, umamin din ang kasamahan niyang senador sa naging bad experience nito sa network.
Samantala, may isa pang senador ang kumanta rin na may galit sa nasabing network bagamat hindi nito idinetalye ang pinaghuhugutan ng kanyang poot.

Kaya nang mabalitaan nitong naghahanap ng malilipatang network ang ABS-CBN, ikinatuwa pa nito ang balitang ito.
Sa report na inilabas ng Abante, kinausap na ni Eugenio Lopez III, chairman ng kompanya si Eddie Villanueva, lider ng Jesus is Lord Movement (JIL).

Nais umano ni Lopez na bilhin ang ZOE Broadcasting Network Inc., ang kompanyang minamay-ari ng JIL. Ang nasabing network ang nagmamay-ari ng flagship station DZOE-TV 11, affiliate ng karibal ng ABS-CBN na GMA Network, at ang DZOZ-TV 13.

Noong Hulyo 2016 lamang ni-renew ng Kongreso ang 25-taong prangkisa ng ZOE, dating minamay-ari din ng influential religious group na El Shaddai ni Mike Velarde bago sila naghiwalay ni Villanueva sa kompanya noong dekada ‘90.

Sa negosasyon ng dalawa, bukas umano ang lider ng JIL na ibenta sa ABS-CBN ang ZOE TV pero hindi 100 percent na isusuko niya ang kompanya dahil nais nitong magkaroon ng equity sa ABS-CBN.

Sa kabila nito, wala pang indikasyon na isinara na ang deal dahil wala na umanong kasunod na meeting ang dalawa.

Ginawa ni Lopez ang hakbang matapos ipangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na haharangin niya ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN dahil din sa “bad experience” nito sa nasabing television network noong 2016 presidential elections. ()