Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

3 puslit na luxury vehicle nasabat ng BOC Coplan Tsekot

0 22

May tatlo pang smuggled luxury vehicles na galing ng Dubai na nagkakahalaga ng P16 milyon ang nakumpiska ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Manila International Container Port (MICP).

Kabilang sa nasamsam sa naturang bigong tangkang smuggling ay isang brand new na puting 2021 Land Cruiser, ang mga second hand cars na isang pulang 2016 Nissan GTR, at isang itim na 2020 Chevrolet Camaro ZL1 coupe.

Ayon kay Alvin Enciso, chief ng CIIS-MICP, ito na ang ikatlong operasyon na nakasamsam sila ng mga smuggled luxury vehicles sa loob lamang ng isang buwan.

Ang natura aniyang pinakahuling operasyon nila na isinagawa noong Hunyo 9 ay alinsunod pa rin sa anti-smuggling efforts ng BOC, partikular na ang kanilang Coplan Tsekot, na naglalayong mapigilan ang illegal importation ng mga sasakyan papasok sa bansa.

“We will continue to monitor these shipments because there has been a series of smuggled vehicles trying to come into the country. That has been evident this past month alone,” pahayag ni Enciso.

Matatandaang mayroon pang dalawang naunang operasyong isinagawa ang CIIS-MICP na nagresulta rin sa seizure ng mga luxury vehicles na nagkakahalaga ng P30 milyon noong Mayo 26 at Hunyo 2. Ang mga naturang sasakyan ay pawang naka-consigned sa JLFDM Consumer Goods Trading.

Base sa impormasyon na nakalap, nag-isyu si MICP District Collector Romeo Allan Rosales ng Alert Order (AO) laban sa shipment. May mga AOs rin ang inaasahang ilalabas laban sa shipments ng ADFINEST Marketing Corp.

Sa pamamagitan ng naturang mga AO ay nakapagsagawa ang mga awtoridad ng 100% examination sa container at dito natuklasan ang tatlong sasakyan na nakatago sa likod ng mga used tires.

Matapos ang eksaminasyon, na sinaksihan ng mga miyembro ng Enforcement and Security Service (ESS) at Formal Entry Division (FED), isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang inisyu laban sa shipment.

Sinabi ni Enciso na ang consignee ng mga naturang shipment ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 1400 in relation to Section 1113 ng Republic Act 10863 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), gayundin sa kawalan ng Authority to Import ng mga used vehicles mula sa Department of Trade and Industry (DTI).

Kaugnay nito, pinuri naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero ang trabaho ng CIIS at MICP matapos na mahadlangan ang tatlong tangkang smuggling activities sa nakalipas na tatlong linggo lamang.

Leave A Reply

Your email address will not be published.