Una sa Balita

3 online lending firm kinasuhan sa panghihiya

0 314

Kinasuhan ng National Privacy Commission ang mga opisyal ng tatlong online lending company na Fast Cash Global Lending Inc., Unipeso Lending Company Inc., at ang Fynamics Lending Inc. dahil sa panghihiya o ‘public shaming’ sa mga hindi nakakabayad sa kanila.

Ayon kay Privacy Commissioner Raymund Enriquez Liboro kinailangan ng komisyon na bumuo ng taskforce para maibestigahan ang Fast Cash Global Lending, Unipeso Lending, at Fynamics Lending dahil nasa 61% ng 921 na reklamong natanggap ng komisyon ay tungkol sa operasyon ng mga ito.

“The volume of the complaints filed and the seriousness of the allegations lead this commission to create a taskforce to conduct on independent investigation against the online lending companies, focusing on the three applications,” sabi ni Liboro.

Ayon sa imbestigasyon ng NPC, privacy ng mga nangungutang ang tinatarget ng tatlong kompanya at pinagkakakitaan ng mga ito ang takot ng mga taong mapahiya.

‘Abusive’ ang paraan ng paniningil ng tatlong online lending company. Dahil sa kanilang pagpapahiya sa mga tao, ang iba ay nagkaroon ng anxiety at depresyon samantalang nawalan naman ng trabaho ang ilan at natatakot na silang hindi na magkatrabaho dahil sa paninira ng kanilang reputasyon.

“The permanence of these damages is disproportionate to the mere delinquency in paying debts, sometimes as low as one thousand pesos,” ani Liboro.

Ayon sa NPC, umaabot na sa 166 ang reklamo laban sa Fast Cash Global Lending na nag-ooperate ng Fast Cash online app noong Hulyo 31 at kinasuhan na ang mga director nito at mga board member na sina: Kellon De Jesus Manalastas, Tiancai Huang, John Christian P. Sia, Jovy Co Ting, at Zichao Su.

Nasa 138 naman ang reklamo laban sa Unipeso Lending Company na nagpapatakbo ng Cash lending online app at kinasuhan ng NPC ang mga opisyal nitong sina: Haolong Li, Guanqun Luo, Flordeluna Rosell, Rizza Mae Lorilla, at Renyvic Duquiatan

Ang reklamo laban sa Fynamics Lending na nagpapatakbo ng PondoPeso online app ay nasa 133 naman at kinasuhan din ang mga officer nito na sina: Meng Li, Changjin Wang, Kwinnie Mae Fianza, Jacquielyn Chua Garrido, Helen Joy Amican de Luna, at Bernard B. Salvacion, Jr.

Sabi ni Liboro, may 10-araw ang mga kinasuhan para sumagot at sakaling wala silang ipadalang pahayag, dedesisyunan na ng NPC ang kanilang mga kaso. (Eileen Mencias/Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy