Una sa Balita

3 obrero timbog sa bentahan ng droga sa construction site

By
0 50

BUKING ang ginagawang sideline ng dalawang obrero matapos mabisto sa pagtutulak ng iligal na droga habang nasa constructrion site sa ikinasang buy-bust operations ng Pasig Police, kamakalawa nang umaga sa Brgy. Maybunga.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang mga suspek na sina Dayet Baylon, 45-anyos, at Ricardo Manalo, 30, kapwa residente ng Pasig City.

Inaresto ang da­lawa bandang alas-11:00 kamakalawa nang umaga nang isagawa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation sa Westbank Road, Brgy. Maybunga matapos ang isang linggong surveillance.

Isang pulis na umaktong buyer ang nakipagtransaksyon sa mga suspek sa labas ng construction site na pinagtatrabahuan ng dalawa at nang aktong ibibigay na ang droga ay agad na itong dinampot.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng shabu at P200 buy-bust money.
Kapwa nakakulong ang dalawang suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Illegal Drugs Act. (Vick Aquino)