Una sa Balita

3 nanlaban sa drug raid todas sa Muntinlupa

By
0 1,105

Tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang hinihinalang drug pu­sher matapos manlaban sa mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar na naganap kahapon nang madaling-araw sa Muntinlupa City.

Unang nasawi ang suspek na nakilalasa alyas ‘Burdado’, nasa 25 hanggang 30-anyos, isang kilalang drug pusher at nakasuot na black t-shirt, jacket at puting short pants sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Special Drugs Enforcement Unit ng Muntinlupa City Police.

Base sa isinumiteng report ni Senior Supt. Dionisio Bartolome, hepe ng Muntinlupa City Police, dakong alas-2:20 nang mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa Mandarin St., Pleasant Ville, Barangay Bayanan nang nasabing lungsod.

Ayon kay Bartolome, bibilhan ng P1,000 shabu ang suspek ng poseur buyer subalit natunugan nito na isang pulis ang kanyang karansaksyon kaya’t pinaputukan ang naturang pulis na agad ding nakabunot ng baril.

Sa kasagsagan ng palitan ng putok ay mabilis naman nakatakas ang isa pang kasama ni Burdado na sakay ng motorsiklo na walang plaka.
Samantala, dala­wang hindi pa nakikila­lang riding-in-tandem ang dead-on-the-spot makaraang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa isinagawang checkpoint sa lungsod.

Dakong alas-2:45 nang madaling-araw nang maganap ang ­insidente sa kahabaaan ng national road sa ­Barangay Bayanan.

Kasalukuyan nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Special Intelligence Unit (SIU) ng Muntinlupa City Police sa ­nasabing lugar at sa halip na huminto ang tatlong kalalakihan na lulan ng isang motorsiklo ay pinaputukan ng mga ito ang mga pulis.

Sa halos sampung minutong palitan ng putok, kapwa duguang bumulagta ang hindi pa nakikilalang suspek.

Narekober naman ng mga awtoridad ang isang 9mm kaliber ­pistol at isang sumpak.

Ang mga labi ng mga suspek ay ­pansamantalang inila­gak sa isang funeral homes upang isailalim sa awtopsiya.