Una sa Balita

3 nalunod sa Laguna De Bay

By
0 1,339

Tatlo ang patay matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangkang de motor sa Laguna De Bay sa bahagi ng Taguig kamakalawa ng gabi. 

Ayon sa dalawang nakaligtas na kasama ng mga biktima, galing sila sa inuman at patungo sana sa Laguna de Bay nang tamaan ng malakas na alon ang kanilang bangka, dahilan para tumaob ito. 

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Evangeline Garcia, 40; live-in partner nitong si Arnold Garcesa, nasa hustong gulang, kapwa residente ng Dreamland, Brgy. Hagonoy at Jose Rudy Posadas, 55, nakatira sa no.73 3rd St., GHQ Village, Zone 1, Brgy. Katuparan nang nasabing lungsod.

Batay sa report ng Southern Police District (SPD) alas-sais ng gabi nang maganap ang insidente sa Barangay Hagonoy Pumping Station, Taguig City.

Ayon sa ilang nakaligtas sa aksidente na sina Romel Villar, 30 at Willy John Guanzon, nakasakay sila sa isang motorboat kasama ang mga biktima at nang tumawid ito sa natu­rang pumping station patungong Laguna Lake nang bigla silang sinalubong ng malakas na alon na dahilan upang bumaligtad ang bangka at nahulog silang mga pasahero nito.

Ayon kay Villar, nakahawak siya sa isang kawayan at agad naman siyang na-rescue ng isang fishing boat.

Nakaligtas din ang iba pang pasahero, suba­lit bandang alas-12:05 kahapon ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ni Garcia sa Laguna de Bay, C-6, Purok 3, Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City samantalang ala-1:30 naman ng madaling-araw ­natagpuan ang mga bangkay nila Garcesa at Posadas.

Dahil dito ay patuloy naman nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.