Una sa Balita

3 motornapper patay sa engkuwentro sa Batangas, Quezon

By
0 218

PATAY ang tatlong hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo matapos na manlaban sa mga pulis sa dalawang magkahiwalay na engkuwentro sa Malvar, Batangas at Tayabas City, Quezon kahapon nang madaling-araw.

Sa Tayabas City, naabutan ng mga mi­yembro ng Tayabas police ang dalawang papatakas na suspek na sakay ng tinangay na motorsiklo sa provincial road ng Brgy. Malao-a, Tayabas City dakong ala-una nang madaling-araw.

Subalit hindi nagpaaresto ang mga ito at sa halip na sumuko ay nakipagbarilan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.
Narekober sa dalawang suspek ang dalawang homemade .38 revolver at ang mga gamit ng mga nabiktima nila.

Unang hinoldap ng mga ito ang tatlo katao sa Brgy. Opias dakong alas-11:45 nang gabi at matapos tutukan ng baril ay tinangay ang pera at ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.

Sa Malvar, Batangas patay din ang isa pang hindi nakikilalang motornapper matapos na hindi huminto at sa halip ay pinaputukan ang mga pulis na nagmamando sa checkpoint sa Brgy. poblacion dakong ala-una nang madaling-araw.

Gumanti ang mga pulis na ikinasawi ng suspek.

Narekober dito ang isang kalibre .45 baril at ang nakaw na motorsiklo na sinasakyan nito.