Una sa Balita

3 manggagawa patay sa sunog sa Maynila

By
0 6,525

Sa loob ng halos isang oras na sunog, tatlong manggagawa ang namatay matapos mabagsakan ng mezzanine nang lamunin ng apoy ang isang commercial establishment kahapon ng madaling araw sa Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ni FS/Insp. Roden Aluno ang mga biktimang sina Zardy Luna, 37; at Angelito Jumares, 52 na unang natagpuan sa ground floor na bahagi ng gusali.

Kasunod nito ay natagpuan din ang katawan ng isa pang biktima na si Dennis Magdaet, 30-anyos.

Nasunog ang gusali ng Charipp Trading na naglalaman ng mga pa­nindang linoleum, school supplies, at mga kurtina.

Ang mga nasawi ay pawang manggagawa ng establisimyento.

Nagsimula ang sunog bandang alas-3:08 ng madaling araw at mula sa 3rd floor ay nakababa pa ang tatlong biktima sa ground floor ng gusali pero doon na sila nakulong matapos bumagsak ang mezzanine.

Idineklarang fire out ang sunog dakong alas-kuwatro madaling araw na umabot lamang sa ikalawang alarma.

Patuloy naman iniimbestigahan ang pinagsimulan ng apoy.