Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

3 illegal recruiter dinakma sa entrapment operation

0 99

Timbog ang tatlong illegal recruiter na na­ngangako ng trabaho sa Canada matapos silang mahulog sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) sa Pasay City noong Martes.

Nakakulong sa CIDG Detention cell sa Camp Crame habang inihahanda ang kasong large scale estafa laban sa mga suspek na sina Ma. Theresa Velarde alyas ‘Thess’, Jocelyn Pulao at Prescila Lucido. Dinakip sila matapos tanggapin sa kanilang opisina sa Unit C-103 Monaco Garden Tower sa No. 59 Villa Barbara St. Pasay City ang dagdag na tig-P6,000 na hiningi nila sa 10 aplikante bandang alas-kuwatro ng hapon.

Ayon kay CIDG ATCU chief Lt. Col Emerey Abating, modus ng mga suspek na manghikayat ng mga nais na magtrabaho sa Canada bilang fruit picker o magsasaka at saka hihingan ang mga aplikante ng P135,000 bilang inisyal na bayad sa pag-aayos ng kanilang mga papel.

Lumilipat umano ng lugar ang mga ito kapag nakahingi na ng pera sa kanilang mga biktima. Gayunman, natunton ng ilang aplikante ang bago nilang opisina sa Pasay kaya agad silang humingi ng tulong sa CIDG-ATCU. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.