Una sa Balita

3 illegal pangolin trader hinatulan na

0 187

Nagpasalamat si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa mabilis na hustisya laban sa tatlong tao na nahuling iligal na nagbibiyahe ng sampung piraso ng critically endangered Philippine pangolin mula sa Palawan province papuntang Tagaytay City noong Hunyo.

Batay sa dalawang pahinang desisyon na may petsang Hulyo 18 ni Judge Liezl Rosario Mendoza ng Municipal Trial Court ng Tagaytay City Branch 1, ang mga akusadong sina Simforoso Salazar, Jorlan Torrequimada at Victor Equisa ay napatunayang nagkasala sa paglabag sa RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act at hinatulang mabilanggo ng hanggang tatlong buwan at pinagmumulta ng P20,000 bawat isa.

Ang naging desisyon ng korte ay lumabas makaraan lamang ang dalawampung araw matapos mahuli ang tatlong akusado sa isang checkpoint sa Tagaytay noong Hunyo 28 ng kasaluku­yang taon.

Ayon kay Cimatu, ang pagkakakulong ng tatlong illegal wildlife trader ay nagpapatunay lamang na desidido ang mga awto­ridad sa pagpapatupad ng batas partikular na ang paghuli sa mga poacher at wildlife trafficker at tra­der sa Pilipinas.

Ang mga narekober na pangolin na nakita na nagsisiksikan sa kulu­ngan sa loob ng van compartment ay agad na dinala sa DENR rescue center kung saan pinakain at ginamot ang sugat at galos ng mga ito pero nabatid na tatlo lamang sa mga ito ang nabuhay at dinala na sa kanilang natural habitat sa Palawan. (Riz Dominguez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy