Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

3 bulagta sa shabu encounter

0 21

Patay ang tatlong tulak ng iligal na droga habang nasa P1.7 milyon halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska sa mga ito matapos ang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya kamakalawa sa Oas, Albay.

Kinilala ni Police Brig Gen. Jonnel Estomo, Regional Director ng PNP Bicol ang napatay na sina Ramon Mutuc, alyas Omar, 44; Jose Maria Arvin Samson Bautista, 28, at Gregorio Manebo Garcia Jr., 42, pawang taga-Valenzuela City.

Sa ulat ni Albay Police Provincial Director Police Col. Arnold Santiago kay Estomo, naganap ang buy bust alas-12:45 ng hapon kamakalawa sa Purok 4, Barangay Busac ng nabatid na bayan.

Nakabili ng 10 gramo ng shabu gamit ang P40,000 boodle money ang isang police poseur buyer sa mga suspek na dumating lulan ng Toyota Ertiga.

Matapos `magkaliwaan’ ay nakahalata ang mga suspek na pulis ang katransaksyon kaya bumunot ang mga ito ng baril at pinaputukan ang pulisya.

Gumanti naman ng putok ang awtoridad hanggang sa bumulagta na ang mga suspek na sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara nang dead on arrival.

Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre.45 at dalawang kalibre.38 baril na ginamit sa panlalaban.

Umaabot naman sa 350 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalagang P1,750,000 ang nakuha sa loob ng sasakyan ng mga ito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.