Una sa Balita

3 bulagta sa buy-bust

By ,
0 0

Patay ang dalawang drug personalities sa buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay Dila, Bay, Laguna kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga napatay na sina Frederick Pule at isang alyas ‘Pulutan’. Base sa report ng Bay Police, bandang ala-una y media ng isagawa ang operasyon subalit agad nagbunot ng baril ang isa sa mga suspek ng mahalatang may mga pulis sa paligid.

Agad gumanti ang mga pulis na agad ikinamatay ng dalawang suspek. Nakumpiska sa mga suspek ang isang calibre .45 at isang calibre .38 na baril at humigit kumulang sa 10 sachet ng shabu na may street value na P28,000.

Samantala, bulagta rin sa buy-bust operation ng Rosario Municipal Police Station sa Cavite, ang bagong sulpot na drug personality na si Jun ­Torres Figueroa alyas ‘Bisyo’, tubong Giliran Leyte at kasalukuyang naninirahan sa Cotabato St. Brgy. Sapa 2, Rosario Cavite.

Sa nakalap na impormasyon sa tanggapan ni PC/Insp. Mark Joseph Laygo, hepe ng Rosario MPS, nabatid na dakong alas-2:30 ng madaling-araw kahapon ng ikasa ang drug bust laban kay Figueroa matapos makabili ang poseur buyer ng shabu ay nagpakilala itong pulis at aarestuhin ang suspek.

Agad umanong ­binunot ng suspek ang nakasukbit na cal .38 at nakaputok ng isang beses, ngunit hindi tinamaan ang pulis kung kaya’t nagantihan ito ng sunud-sunod na putok ng baril at tuluyang binawian ng buhay.