Una sa Balita

3 bata nalunod sa Pasig River

By
0 1,220

Nakuha na kahapon ang bangkay ng dalawa sa tatlong batang babae habang pinaghahanap pa ang isang kasama ng mga ito matapos na magkayayaang maligo at malunod sa Ilog Pasig sakop ng Barangay San Joaquin, Pasig City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Maria Belle Juavez, kapatid nitong si Meri Belle, residente ng Barangay Kalawaan; at Maria Rose Dela Cruz, residente naman ng Villa Tupaz, Barangay San Joaquin. Ang tatlong bata ay pawang mga 10-anyos at estudyante ng San Joaquin Elementary School.

Ayon kay Sr. Supt. Orlando Yebra Jr, hepe ng Pasig PNP, kahapon dakong alas-12:30 ng tanghali ay nakuha na ng Pasig City rescue team ang isa sa bangkay ng mga biktima subalit hindi pa rin nila makumpirma kung kaninong bangkay mula sa tatlong bata ang kanilang nakuha.

Ang isang bangkay ay nakita sa ilog na sumasakop sa Makati.

“Sa ngayon po mahirap magbigay ng details regarding sa incident kasi po ngayon lang po ini-report sa pulis ang pangyayari, yung isang sa mga bangkay ng mga nalunod na nakuha na kaya lang hindi pa malinaw kung sino ito sa tatlo andun pa sa lugar yung mga pulis natin to investigate,” pahayag ni Yebra sa panayam ng Abante.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, unang ini-report ni Ajie dela Cruz, na nawawala ang kanyang kapatid na si Maria Rose at magkapatid na Juavez.

Sinabi ni Ajie na huli umanong nakita ng kanilang ina si Maria Rose, kasama ang magkapatid na Juavez habang gumagawa ng school project dakong alas-tres ng hapon.

Umalis lamang sandali ang ginang ngunit pagbalik ay hindi na matagpuan ang tatlo.

Sinabi ng ginang na pinagsabihan naman niya ang mga bata na huwag gumagala dahil may mga napapaulat na nangunguha ng bata.

Gayunman, malaki ang hinala ng ginang na baka nalunod sa ilog ang anak, kasama ang mga kaibigan nito dahil sa pagkadiskubre ng kanilang mga tsinelas sa gilid ng ilog, sa Linear Park sa Barangay San Joaquin.

“Imposible namang gumala silang hindi naka-tsinelas. Hinanap ko na sa mga compu­teran, wala,” ayon pa sa ginang.

Kaagad nang sinisid ng tatlong divers ng Pasig Rescue ang Ilog Pasig ngunit kinailangang itigil ang rescue operation dakong alas-10:00 ng gabi dahil sa lakas ng agos sa ilalim ng ilog, na may lalim na hanggang 25 talampakan.

Kuwento naman ng barangay tanod na si Arnel Iglesias, ilang beses na rin na may nalunod sa naturang ilog.

Nilalagyan naman daw ng harang ang tabing ilog para mapigilan ang mga tao na lumusong pero nasisira ito ng mga namimingwit doon.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang biktima.