Una sa Balita

3 BARKO LUMUBOG!

By , , , ,
0 21
PAMASKO NI ‘NINA’ Ganito ang eksena ng Pasko kamakalawa sa Bgy. Matnog, Daraga, Albay dahil kinailangang ipatupad ang preemptive evacuation, unang hinakot ang mga bata, bago tumama ang mata ng bagyong ‘Nina’ kamakalawa ng gabi. (AFP)

Matindi ang iniwang pamaskong pinsala ng severe tropical storm na ‘Nina’ kung saan dalawang probinsya ang agad na isinailalim sa ‘state of calamity’ habang iniimbestigahan naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paglubog ng tatlong barko sa kasagsagan ng bagyo.

Isinailalim na kahapon sa state of calamity ang mga lalawigan ng Camarines Sur at Albay matapos ang pagbayo ng bagyong ‘Nina’ noong kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko.

Ayon kay Camarines Sur Gov. Miguel Villafuerte, nasa 330,798 pamilya o 985,561-katao na ang apektado ng pananalasa ng bagyo sa kanilang lalawigan.

Nagdeklara rin ng state of calamity ang probinsya ng Albay.

Base sa datos ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, nasa 41,903 pamilya o katumbas ng 165,869 katao na ang naililikas nila.

Napuruhan sa dagat

Ayon PCG spokesman Commander Armand Balilo, aalamin ng ahensya kung may kargang krudo ang mga ito na maaaring tumagas dahil sa pangyayari.

Partikular na tinukoy nito ang oil tanker na MT Obama na sumadsad sa Gasan, Marinduque.

Nagpadala na ng team ang PCG upang matiyak na maaagapan kapag nagkaroon ng oil spill.

Maliban dito, nanga­ngalap na rin ng dagdag na impormasyon ang PCG hinggil sa lumubog na barko sa Virac, Ca­tanduanes at MV RoRo Shuttle 5 naman sa San Miguel, Mabini, Batangas.

Bukod dito, may pito pang passenger vessels ang sumadsad sa dalampasigan ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro kahapon matapos bayuhin ng malalaking alon at malakas na hangin ni ‘Nina’.

7 beses tumama sa lupa

Pitong beses humagupit sa kalupaan ang mata ng bagyong ‘Nina’ kung saan umabot sa pinakamalakas na 185 kilometer per hour na lakas ng ha­ngin ang ibinuga ng bagyo sa Bato, Catanduanes sa pagitan ng alas-sais hanggang alas-otso ng gabi kamakalawa, mismong araw ng Pasko.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa kategor­yang public storm war­ning signal no. 4 ang lakas ng bagyo kaya napuruhan ang Bato, Catanduanes bago ito paulit-ulit na nag-landfall sa iba pang lugar sa Katimugang Luzon.

Sunod na inasinta ng mata ng bagyo ang Sagñay, Camarines Sur; pangatlo sa San Andres, Quezon; at pang-apat sa Torrijos, Marinduque.

Dakong alas-9:15 ng umaga kahapon, tumama ang ikalimang hagupit ng bagyo sa Verde Islands sa Batangas City; at ang ika-anim na landfall ay tumama sa Tingloy, Batangas bandang alas-10:10 ng umaga.

Ang ikapitong landfall ng bagyo ay tumama sa Lubang Island sa Occidental Mindoro bago mag-alas-dos ng hapon habang tinutumbok ang direksyon ng West Philippine Sea (WPS).

100K inilikas

Nasa humigit-kumulang 100,000-katao na ang inililikas at isinailalim sa pre-emptive evacuation kahapon dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Nina’ sa Bicol Region, MIMAROPA at Region 8.

Pero sa kabila nito, isang lalaki ang iniulat na nasawi matapos mabagsakan ng bumagsak na puno dahil sa lakas ng hangin ni ‘Nina’ sa Mulanay, Quezon. Nakilala ito sa pangalang Gregorio Reforma.

Sa Bgy. Sugod, Lopez, Quezon, patay din ang mangingisdang si Christopher Sanchez matapos makuryente. Nasugatan sa aksidente ang dalawa nitong kasama na sina Xandrex Abacede at Jaime Badiamonde.

318 flights kanselado, 12K
biyahero stranded

Kahapon ay iniulat na umabot na sa 318 ang bilang ng mga nakanselang domestic at international flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa bagyong ‘Nina’.

Sa pagpigil naman sa mga barko na pumalaot, naitala ng PCG na umabot sa 12,019 pasahero ng 1,000 RoRo, 45 barko at anim na motorbanca ang na-stranded.

OVP, DSWD nagbalikatan sa
relief operations

Namahagi na ng tulong sa mga biktima ng bagyong Nina ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Sec. Judy Taguiwalo, kahapon pa lang ay nakapagsimula na silang maghatid ng relief assistance sa mga pamil­yang apektado ng bagyo.

Kumilos na rin ang Office of the Vice President sa paglikom ng tulong at mga donasyon para sa mga biktima ng bagyong Nina.

Bumuo ng Task Force Tindog Bikol para sa mga biktima ng kalamidad si Vice President Leni Robredo na isang Bicolano.