Una sa Balita

3-araw na tigil-pasada, igugulat sa Metro Manila

By
0 8

Hindi isa, hindi dalawa kundi tatlong araw na walang puknat na welga ang ikakasa ng transport sector para kalampagin ang Land transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa planong pag-phase out sa mga lumang public utility jeep (PUJ).

Ayon kay Jun Magno, presidente ng grupo, hindi sila magbibigay ng maagang anunsyo kung kelan ikakasa ang tuloy-tuloy na tatlong araw na transport holiday upang maramdaman ng LTFRB ang galit ng mga tsuper at operators.

“Wala pa kaming sinasabing petsa kung kelan itong 3-day strike. Iaanunsyo lang namin ito one-day before namin simulan,” pahayag ni Magno.

Kinondena rin ng Stop&Go Coalition ang balak ng Department of Transportation (DOTr) na taasan ang financial requirement sa mga operators at hindi na rin papayagan ang paisa-isang kuha ng prangkisa.

Sa ilalim ng nilulutong direktiba ng DOTr, uubligahin ang mga PUJ operators na magkaroon ng at least P7 million na capital bago bigyan ng prangkisa, habang P12 million capital naman ang para sa mga taxi operators at tig-12 units ang minimum fleets sa kada operator.

“Sobra-sobrang pahirap na ito para sa transport sector. Sa kabila ng paghihirap naming dahil sa hindi maawat-awat na oil price hike at pagtaas ng mga bilihin, heto ang DOTr at LTFRB lalong ibinabaon sa hirap ang mga tsuper at operators. Tama na ito, kailangan na nating kumilos,” giit ng grupo.