2nd sa PH! Duterte sasalubungin 500K bakuna mula COVAX

INAASAHANG darating ngayong araw ang initial shipment ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX facility ng World Health Organization.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos maudlot ang nakatakdang pagdating nito sa bansa noong Lunes.
Sinabi ni Roque na kabuuang 487,200 doses ng AstraZeneca vaccines ang darating ngayong Huwebes bilang paunang donasyon mula sa COVAX facility.
“This is to confirm that the Philippines is set to receive 487,200 doses of AstraZeneca vaccines tomorrow, March 4, 2021, 7:30PM , as part of the first round of allocated doses from the COVAX facility,” ani Roque.
Ito ang ikalawang batch ng bakuna na darating sa bansa na inaasahang gagamitin sa mga prayoridad ng gobyerno na mabakunahan.
Sinabi naman ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, dating executive assistant ni Pangulong Rodrigo Duterte na personal nilang tatanggapin ng Pangulo ang pagdating ng Astrazeneca vaccines sa Villamor Airbase, bandang alas-8:00 ng gabi.
“Yong hindi natuloy na pagpapadala ng bakuna noong Lunes mula sa AstraZZeneca ay meron nang liham na darating na sana bukas ng gabi ‘yong 487,200 doses,” sabi ni Go.
Unang dumating sa bansa noong Linggo ang 600,000 doses ng Sinovac na donasyon ng China at siyang ginagamit ngayon para sa mga medical health worker.
Sinabi ni Roque na agad aabisuhan ang publiko sakaling mayroong pagbabago sa schedule ng pagdating ng mga bakuna. (Aileen Taliping/Dindo Matining)