Una sa Balita

2nd MVP plum pinalo ni Pablo

By
0 1,149

KINAPOS si outside hitter Myla Pablo sa kanyang target na isampa ang Pocari Sweat-Air Force sa championship round pero hinirang naman siyang Most Valuable Player, (MVP) sa Premier Volleyball League Season 2 Reinforced Conference.

Naungusan ni 24-year-old Pablo sa nasabing pinakamataas na individual award si volleyball superstar Alyssa Valdez ng Creamline.

May average na 16.5 points per game sa preliminary round, nasilo ni Tarlac native Pablo ang pangalawang MVP award.

Nakalaban ng Lady Warriors ang Cool Smashers sa semifinals, yumuko sila sa Game 3.

“Nagulat ako nang tinawag na MVP kasi ang alam ko si Alyssa, (Valdez) kasi maganda ang ipinakita niya ngayong conference,” saad ni Pablo.

Nasikwat din ni Pablo ang 2nd Best Outside Spiker, ang ibang nakakuha ng indivi­dual plum ay sina Valdez (1st Best Outside Spiker), Jeannette Panaga ng Pocari Sweat (1st Best Middle Blocker), Joy Dacoron ng Banko Perlas (2nd Best Middle Blocker), Michele Gumabao (Best Opposite Hitter) at Jia Morado (Best Setter) na mga Creamline netter at Lizlee Ann Pantone ng PayMaya (Best Libero).

Napunta kay American Tess Rountree ng PayMaya ang Best Foreign Guest Player award habang si Kia Bright ng BanKo ay nakatanggap ng special recognition na Most Points Scored in Game dahil sa hinataw niyang 41-point production sa Game 3 semis loss nila sa PayMaya.

Samantala, si Marck Espejo ng Cignal ang men’s MVP at 1st Best Outside Spiker.