Una sa Balita

2nd installment ng SAP ibigay sa tao kahit GCQ

0 613

Parang horror movie ang mga napapanood nating kwento sa lahat ng bansang dinaanan ng COVID-19.

Apat na buwan matapos mabalita ang pagkalat nito sa China, kulang 5 milyong tao sa buong mundo na ang nahawahan nito at kumitil ng mahigit 300,000.

Karamihan sa mga bansa ay nasa bingit na ng recession o paghina ng ekonomiya bunsod ng ilang buwang walang aktibidad dahil sa lockdown at pagsara ng border. Kamakailan lang ay nag-deklara na ng recession ang Japan.

Dito sa Pilipinas, maraming negosyo ang nagsara na at nanganganib magsara, at malaking parte ng ating manggagawa ang nawalan at mawawalan pa ng trabaho.

Tulad na maraming bansa, malaki ang tama sa ating ekonomiya. Kumbaga sa pasyenteng may malubhang karamdaman, nanganganib tumigil ang tibok ng puso ng Pilipinas at kinakailangan ng mataas na boltahe ng kuryente upang maibalik ang dating sigla.

Magagawa iyan sa pamamagitan ng stimulus package sa mga negosyo at mga taong naapektuhan at nawalan ng kita dahil sa COVID-19.

Tumigil ang ekonomiya dahil tumigil ang aktibidad ng negosyo at mga tao. Nalugi ang mga negosyo at nawalan naman ng kita ang mga taong ilang buwang nakakulong sa kanilang bahay.

Tulungan nating makabangon ang mga negosyo, lalo na yung maliliit at nabibilang sa MSMEs (micro, small, medium enterprises) sa pamamagitan ng mababang interest at matagalang pautang.

Bigyan natin ng perang panggastos ang mga tao na nasaid bunsod ng ilang buwang quarantine. Kung bagsak ang lahat, tanging tulong mula sa pamahalaan, sa pamamagitan ng stimulus, ang muling magpapandar sa ating naghihingalong ekonomiya.

Isang uri ng stimulus na kinakailangan ang social amelioration program (SAP). Noong binalangkas namin ang Bayanihan Act na magbibigay ng P200 bilyon na cash para sa mahihirap nating kababayan, klaro sa rekord ng diskusyon sa Senado na ibibigay iyon ng dalawang beses sa mga tao.

Walang kondisyong nakasulat doon na kapag natanggal na ang lugar sa enhanced community quarantine (ECQ) at naging general community quarantine (GCQ) ay hindi na ibibigay ang pangalawang cash aid na talagang nakalaan para sa kanila.

Dahil hindi nangangahulugan na kung nag-gradweyt na ang lugar sa ECQ at naging GCQ na lang ay gradweyt na rin ang mga tao doon sa paghihikahos. Malawakan at matagalang tulong ang kailangan ng lahat ngayon para makabangon.

Malinaw sa mga ulat na sa P200 bilyong inilaan para sa SAP, may natitira pang kalahati o P100 bilyon sa Department of Social Welfare and Development na nakalaan para sa pangalawang pagbibigay ayuda sa mahihirap.

Huwag nating ipagkait sa kanila ang perang itinakda ng batas para matulungan ang mga pamilyang na-kwarantina at nawalan ng kabuhayan.

Ang unang bugso ng SAP ay pantawid gutom nila sa unang buwan ng quarantine, kaya’t marapat lamang na ibigay ang pangalawang installment nito dahil higit sa dalawang buwan nang tumatakbo ang quarantine.

Ang lahat ng perang ibibigay nating tulong sa kanila ay agad rin namang babalik sa merkado at sa ating ekonomiya – pambili ng bigas, ulam, pambayad ng tubig at kuryente – dahil karamihan sa kanila ay nasimot na ang pera bago pa man dumating ang tulong galing sa pamahalaan.

Huwag nating pagdamutan ang mga tunay na nangangailangan at pinaglaanan ng pondo sa batas. END

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More