Una sa Balita

2K trabaho para sa mga Bulakenyo

By
0 5

Nasa 2,000 na mga Bulakenyo ang magkakaroon ng pagkakataong ma-hire sa trabaho sa isasagawang isang araw na job fair na may temang ‘Matatag na Kabuhayan at Trabaho Tungo sa Progresibong Pagbabago’ na gaganapin sa Event Center ng SM City-Baliwag sa Baliwag, Bulacan sa Mayo 1, Labor Day.

Ayon kay Elizabeth Alonzo, pinuno ng Provincial Youth, Sports, Employment and Development Office (PYSEDO), may kabuuang 66 kompanya at ahensya na lokal at overseas ang maghihintay sa mga aplikante at magsasagawa ng interview sa mga posibleng maging empleyado nito mula ika-8 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon.

Inorganisa ang job fair ng provincial government ng Bulacan sa pakikipagtulu­ngan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Public Employment Service Office at base sa tala ng PYSEDO, 15% ang taunang target o average ng mga aplikanteng naha-hired-on-the-spot subalit sa Bulacan, karaniwan itong nagtatala ng 25% hanggang 30% ang hired-on-the-spot mula sa mga kwalipikadong aplikante.