Una sa Balita

2K rice allowance sa QC itinulak ni Coun. Ferrer

0 1,735

Upang maibsan ang hagupit ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa mga presyo ng bilihin, itinutulak ni District 1 Councilor Victor Ferrer Jr. ng Lungsod Quezon ang pagpasa ng dalawang panukalang magtataas sa monthly rice allowance ng 8,000 regular employee ng Quezon City hall.

Kasabay nito, iniakda rin ni Ferrer, isang certified public accountant, ang panukalang dagdagan ang longevi­ty pay ng mga permanenteng kawani mula P200 kada limang taon sa P300 kada limang taon.

Sa naunang panukala, mula P1,500 na buwanang rice allowance ay itataas ito sa P2,000 upang kahit papaano ay makaagapay ang mga nasabing kawani sa dinaranas ng bansa na ‘inflation’ dulot ng pagpapatupad ng TRAIN law.

“Nararapat lamang nating mahalin ang ating mga kawani, suriin ang kanilang katayuan at tingnan ang kanilang kapakanan,” aniya.

Isinulong ni Ferrer ang pagkakaroon ng P1,000 monthly rice allowance noong 2009, at ang pagtaas sa P1,500 monthly rice allowance noong 2014.

Noong 2003, iniakda rin ni Ferrer ang pagkakaloob ng P100 longevity pay kada limang taong serbisyo at ang pagtulak nang pagtaas sa P200 noong 2014.

Ngayon 2018, nais ng konsehal na itaas sa P300 ang longevity pay para sa mga regular na empleyado ng Quezon City hall.

Ayon kay Ferrer, buo ang suporta ng 37-member city council at ni Mayor Herbert Bautista na maipapasa ang dalawang panukalang batas.