2K manok na pang-ayuda, ninenok

0 510

TIMBOG ang apat na lalaki matapos nakawin ang tinatayang 2,000 na broiler na manok na para sana sa relief operation sa coronavirus disease-19 (COVID-19) sa Barangay Angio, San Fabian, Pangasinan kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng San Fabian Police Station (SFPS) ang mga suspek na sina Rodolfo R. Cortes, 44, Banaoang East; Lester N. Valilo, 37, truck helper, ng San Jacinto; Kyly B. Mariano, 21 at Reagan D. Vero, 20, pare-parehong taga-Pangasinan.

Ayon sa SFPS, nangyari ang insidente dakong 1:45 ng madaling araw sa Barangay Angio sa nasabing bayan.

Sinabi ng pulisya, minamaneho ni Cortes ang isang Isuzu steel cage truck ng may plakang NBI-4367 kasama si Valilo na may lamang 1,680 na pirasong live chicken mula sa Sta. Cecelia B Farm, Sto. Tomas, La Union.

Nang makarating ng Barangay Angio, bigla na lang umanong binenta ang ilang manok na hindi nalalaman ng may-ari kay Mariano na isinakay sa isang kulong-kulong na tricycle.

Nasabat ng mga pulis ang mga suspek sa ginawang checkpoint sa nasabing barangay sa San Fabian.

Napag-alaman na ang mga manok ay ibibigay sana bilang mga relief good sa isang bayan ng Pangasinan.

Ang mga suspek ay dinala sa SFPS at kaukulang kaso ang ipinataw sa mga ito. (Allan Bergonia)

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...