Una sa Balita

277 Chinese nabitag sa online gambling

0 266

NABULAGA ang tinatayang 277 Chinese national makaraang salakayin at arestuhin ng pinagsanib na mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) at Phili­ppine National Police (PNP) nang aksidenteng madiskubre ang isinasagawa nilang illegal online operation sa One Corporate Center sa Ortigas, Pasig City nitong Miyerkoles nang gabi.

Batay sa pahayag ni Immigration Commissioner Jaime Morente, nadakip ang mga Chinese ng mga tauhan ng BI Fugitive Search unit (FSU), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng PNP at Chinese Minis­try of Public Security (MPS).

Aniya, nagpalabas siya ng mission order laban sa apat na puganteng Chinese na siyang target ng operasyon ng mga awtoridad dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa iba’t ibang krimen sa kanilang bansa.

Subalit pagdating doon ay naaktuhan sa operasyon ang mga Chinese national na aktong nagsasagawa ng illegal online operation.

Nang hingan ng mga dokumento ay walang naipakita ang mga ito kaya agad silang binitbit ng mga awtoridad.

Matapos na isailalim sa beripikasyon ang mga dayuhan, nadiskubre na pawang­ mga pugante at wanted ang mga ito sa kasong large scale fraud at investment scam sa China. Kanselado na ang pasaporte ng mga hinuli kaya’t itinuturing na silang mga undocumented alien.

Patuloy naman ang isasagawang kampanya ng BI laban sa mga dayuhang may mga kaso sa kanilang bansa at ang Pilipinas ang kanilang pinagtataguan.

Ang mga nadakip ay nakapiit na sa BI Detention Facility nito sa Taguig City habang inihahanda ang deportation order laban sa mga ito. ­(Dolly Cabreza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy