Una sa Balita

26 namatay sa landslide sa Biliran

By ,
0 26

Dalawampu’t anim na katao ang kumpirmadong nasawi habang 23 ang nawawala­ sa naganap na landslides kahapon dulot ng walang tigil na pag-ulan na dala ng bagyong Urduja sa Bi­liran island sa Eastern Visayas region.

Binayo ni Urduja­ ang malalaking isla sa Samar at Leyte kung saan naputol ang supply­ ng kuryente sa 39 bayan at lungsod. Nasira din ang pangunahing mga daan.

Samantala, nasa anim katao pa rin ang kumpirmadong patay at di mabilang ang sugatan habang 30 pa ang iniulat na nawawala sa pananalasa ng bagyong Urduja, ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa presscon sa Camp Aguinaldo, sinabi ng NDRRMC na hinihintay pa nila ang kumpirmasyon mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa iniulat na mga nasawi at nawawala pang katao.

Base sa pinakahuling ulat bandang alas-otso ng umaga,  umaabot sa 87,719 katao o nasa 20,342 pamilya sa Bicol, Eas­tern Visayas at Caraga region ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa pagtaas ng tubig baha bunsod ng walang tigil­ na malakas na pag-ulan.

Sa tatlong rehiyon,­ may kabuuang  221,953 ang apektado ng cyclone sanhi ng pananalasa ng bagyo.

Sa Tacloban City, nakapagtala ang NDRRMC, 19 katao ang sugatan matapos masangkot sa aksidente sa sasakyan, pagbagsak ng mga debris at pagguho ng mga lupa mula sa bundok.

Sa MIMAROPA, Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas, may 20 insidente ng landslide at pagbaha ang naganap dulot ng bagyong Urduja.

Tatlumpu katao ang iniulat na nawawala dahil sa magkakasunod na landslide sa Eastern Visayas pero tatlo sa mga ito ang narekober na, ayon kay Chief Inspector Lilibeth Morillo, ng Bili­ran Provincial Police Office.

“More or less limang pamilya ang affected, so yung estimated nila na bilang ay 30 people. Doon sa 30, may nakuha na tayong tatlo. So far, yun palang ang nakukuha nila,” pahayag ni Morillo. 

Ilan din sa mga pangunahing kalsada ang hindi madaanan dahil sa pagkawasak ng mga tulay partikular ang Caray Caray Bridge sa Naval town na nag-uugnay sa Biliran papuntang mainland Leyte.

Wala pa rin naman suplay ng kuryente sa probinsya at iba pang lugar dahil na rin sa pagiging isolated matapos lumubog sa tubig baha.

Sa Eastern Samar, tinatayang nasa P35 milyon ang nasalantang ari-arian.

Sinabi naman ni NDRRMC spokesperson Mina Marasigan, pinangunahan naman ng Department of Social Welfare and Development ang pagbibigay ng mga food packs sa mga pamil­yang apektado.

Inilagay na rin sa state of calamity ang Ormoc, Leyte. 

Samantala, patay ang isang mag-asawa matapos matabunan ng lupa sa Romblon dahil sa mga pag-ulan dulot ng bagyong Urduja kamakalawa ng gabi. 

Kinilala ni PRO MIMAROPA Spokesperson Supt. Imelda Tolentino ang dalawa na sina Matilde at Masolinie Romero, kapwa 60 taong gulang.

Ayon kay Tolentino, nasa loob ng kanilang bahay sa Barangay Mabini, San Fernando, Romblon ang dalawa ng magkatoon ng pagguho ng lupa simula alas-11:00  ng gabi.

Patuloy ang search and retrieval operation na isinasagawa ng San Fernando Police sa lugar. 

Isa pang nakilalang Cochita Nequita, 58-an­yos ang nabagsakan at naipit ng kanilang bahay na natabunan ng lupa sa Brgy. Exciban Labo, Camarines Norte, ayon sa Camarines Norte PDRRMC.