Una sa Balita

26 kabataan na pa-Riyadh nasagip

sa recruitment agency

By
0 1,194

Nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – International Airport Investigation Unit (NBI-IAIU) ang 25 menor-de-edad na kinakalinga ng isang aktibong recruitment agency na nagpapaalis ng mga domestic helpers papuntang Saudi Arabia sa isinagawang pagsalakay sa dalawang apartment, noong Sabado sa Pasay City.

Ayon kay Atty. Vicente de Guzman,hepe ng NBI-IAIU, may 137 kababaihan ang nasagip nila sa dalawang apartment kabilang ang 26 menor-de-edad na may edad 15-17 na naghihintay ng kanilang ‘flight’ papuntang Riyadh, Saudi Arabia para mamasukan na DH.

Isa umano sa mga ito na may edad 16-anyos ang naharang ng Immigration Officers at nagtangkang lumabas ng bansa papuntang Riyadh, Saudi Arabia noong Mayo 4, ang naging susi para masagip ang iba pang menor-de-edad.

“Sila ay mga willing victims, siguro dahil sa kahirapan sa kanilang lugar sa Mindanao ay napipilitan sila na sumama sa kanilang recruiter,” ayon kay de Guzman.

Naaresto rin ang tatlong katao na kasabwat ng Global Connect Manpower Resources na sina Patricia Lambino, alyas Mommy, Rosie Lopez at Marilyn Filomeno.

Sinabi ni Cathy, 15, hindi tunay na pangalan na may isang buwan na siyang nasa apartment at naghihintay kung kailan makakaalis.

“May isang buwan na po ako doon, sabi nila kasambahay daw po at ang suweldo ay P20,000. Ayaw ko pa kasing mag-asawa kaya sumama ako sa recruiter. Wala naman daw pong sisingilin sa akin pag nakaalis ako. Okay naman po doon at nakakakain naman po ako ng ayos,” ayon kay Cathy na taga Maguindanao.

Nalaman na ang Glo­bal Connect Manpower Resources ay isang aktibong recruitment agency na nagsasaayos ng mga dokumento ng mga gustong mamasukan sa Saudi Arabia, Sila ang naghahanap employer. Ang recruitment agency rin ang nagbibigay sa kanila ng certificate on TESDA training at pre-departure seminar kahit pa hindi dumadalo ng training at semi­nar ang mga aplikante.

Nabatid na karamihan umano ng mga babaeng nasagip ay mula sa Maguindanao, Sultan Kudarat, Lanao del Sur at Cotobato.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More