Una sa Balita

24-storey building sa London, nasunog

By
0 4

Pinangangamba­hang marami ang nasawi sa nangyaring sunog sa isang 24-palapag na apartment building sa West London.

Sa ulat, nagpapa­tuloy ang kanya-kanyang paraan ng paglikas ng mga residente sa loob ng nasunog na ­Grenfell Tower na nagsimula dakong alas-singko ng madaling-araw habang mahim­bing na natutulog ang mga nakatira dito.

Ayon sa London Fire Brigade, isang residential building sa Lan­caster West Estate sa North Kensington ang tinupok ng apoy sa hindi pa ma­lamang dahilan na nagsi­mula sa ikalawang palapag at tuluy-tuloy na lumamon hanggang sa itaas ng gusali kung saan 120 bahay ang inookupahan.

Base sa kuwento ng ilang testigo may mga taong nakita na tumalon na lamang mula sa nasusunog na apartment block upang makaiwas sa sunog.

Sa mga larawan at video na nai-post sa social media, makikita ang tila malapit nang bumagsak na gusali dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy na hindi pa makontrol ng mga nagrespondeng 200 mga bombero.

Samantala, inaalam pa ng mga opisyales ng embahada ng Pilipinas sa United Kingdom kung may mga Filipino na nakatira sa nasabing gusali.

Nakiramay naman ang Philippine Embassy in London sa mga biktima ng nasabing sunog.